Isang senador, umapela sa Malacañang na humanap ng paraan kung paano maiibsan ang epekto sa mamamayan ng pagtaas ng monthly premium ng PhilHealth

Umapela si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa Malacañang na hanapan ng paraan kung paano maiibsan ang pasanin sa mamamayan na dulot ng pagtaas ng premium contribution ng PhilHealth ngayong taon.

Pakiusap ni Go sa Ehekutibo, pag-aralang itong mabuti sa pamamagitan ng pagbalanse sa pagpapatupad ng itinatakda ng Universal Health Care (UHC) Act at kinakaharap na pandemya.

Sa ilalim ng UHC Act ay tataas ang premium rates ng PhilHealth mula 2.75% noong 2019 hanggang umabot ito ng 5% sa 2024 and 2025 kaya simula sa Hunyo ay 4% na ang kontribusyon para sa PhilHealth.


Pakiusap naman ni Go sa pamunuan ng PhilHealth maingat na balansehin ang mga hinaing ng publiko dahil sa pagtaas ng kanilang singil sa mga miyembro.

Sabi ni Go, dapat timbangin ng maayos kung paano mapapagaan ang hirap na kinakaharap pa ng mga Pilipino dahil sa pandemya at ang pangangailangang magkaroon ng sapat na pondo.

Para ito sa dagdag na mga benepisyo at mas pinabuting serbisyo at programa sa ilalim ng mas maayos na implementasyon ng Universal Health Care Law.

Facebook Comments