Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na huwag agad pagsarhan ng pinto ang hirit na 710 pesos na dagdag sa minimum wage.
Apela ito ni Villanueva makaraang sabihin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaari lamang pagbigyan ang ikalawang wage increase sa loob ng isang taon kapag may “supervening condition.”
Magugunita na noong November 2018 ay ipinatupad ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region ang 25 pesos na increase sa halaga ng minimum wage kada araw na ngayon ay nasa 537 pesos na.
Hiling ni Villanueva sa gobyerno, pag-aralang mabuti kung ano ang maaaring supervening condition na pwedeng pagbatayan para muling magpatupad ng umento sa sweldo ng mga pangkaraniwang manggagawa.
Ayon kay Villanueva, isa sa maaring ikonsidera ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ay ang lumalalang malnutrition sa bansa.
Tinukoy ni Villaneuva ang resulta ng pag-aaral ng Save the Children Philippines noong 2015 na nagsasabing nasa 33% na ang antas ng malnutrisyon sa bansa.