Umapela si Senator Risa Hontiveros sa publiko na patuloy tayong maging alerto kahit mas malaya na tayong gumalaw ngayon.
Sabi ni Hontiveros, sana ay natuto na tayo sa nangyaring paglobo ng COVID-19 cases nang tayo ay maging kampante matapos ibaba sa Alert Level 2 noong nakaraang taon.
Giit ni Hontiveros, delikado talaga ang pagiging kampante kaya dapat patuloy ang matinding pag-iingat laban sa virus.
Sabi ni Hontiveros, kailangang manatili ang pagsunod sa minimum public health standards, pagpapalakas sa kapasidad ng ating mga ospital at pagpapaigting ng pagbabakuna lalo na sa mga probinsya.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na bagama’t nakakakita na tayo ng liwanag sa gitna ng kadilimang hatid ng pandemya ay huwag nating hayaang mabalewala lahat ng sakripisyo ng ating kapwa Pilipino.
Diin ni Hontiveros, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng kalinga kaya patuloy nating bantayan at alagaan ang isa’t isa.