
Nabulabog ang gabi ng mga residente ng isang subdivision sa Sitio Hinapao, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal alas-otso kagabi matapos rumagasa ang baha.
Ang dahilan, nasira pala ang pader ng isang pribadong ari-arian sa lugar.
Nasapul sa CCTV ang pagkataranta ng ilang mga residente dahil sa mabilis na pag-agos ng tubig-baha.
Ayon sa mga residente sa lugar, pabugso-bugsong pag-ulan lang ang kanilang naranasan kaya nabigla sila nang mabilis na pagragasa at pagbaha sa kanilang lugar.
Ayon sa barangay, galing ang tubig-baha sa kabilang subdivision na naipon bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat at Bagyong Crising.
Humupa naman din ang baha sa lugar kung saan hindi na rin bago sa mga residente.
Sa ngayon ay patuloy ang paglilinis ng mga residenteng apektado ng nangyaring pagbaha sa lugar.









