Isang taon ng distance learning, dapat repasuhin bilang paghahanda sa susunod na pasukan

Pinaparepaso ng masinsinan ni Senator Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) ang programang distance learning bilang paghahanda naman sa School Year 2021-2022.

Nakapaloob sa Senate Resolution No. 739 na inihain ni Gatchalian na layunin nitong masuri ang kahandaan ng mga paaralang maghatid ng dekalidad na edukasyon sa susunod na pasukan sa pamamagitan man ng limited face-to-face classes, distance learning o iba pang mga paraan ng pagtuturo.

Lumabas sa isang Pulse Asia Survey na kinomisyon ni Gatchalian noong Pebrero na wala pang kalahati sa mga magulang na may anak sa basic education o 46 porsyento ang nagsabing natututo ang kanilang mga mga anak.


30 porsyento naman ang hindi matukoy kung natututo o hindi ang kanilang mga anak at 25 porsyento naman ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak.

Lumabas din sa naturang survey ang pangunahing mga problema tulad ng hirap sa pagsagot sa mga modules, mahina o paputol-putol na internet, hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig at kakulangan ng mga gadget para sa distance learning.

Ayon kay Gatchalian na siyang chairman ng Senate Committee on Education, Mahalagang matuto tayo sa mga hamong kinakaharap sa distance learning upang maging mas maayos ang paghahatid ng edukasyon sa susunod na pasukan.

Facebook Comments