Isang taong kulong at multa, posibleng kaharapin ng sinumang hindi makikipagtulungan sa ginagawang census ng PSA

Maaaring makulong ng isang taon at pagmultahin ang sinumang hindi makikipagtulungan o magbibigay ng maling impormasyon sa isinasagawang 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistic Authority (PSA).

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PSA Officer-in-Charge at Assistant National Statistician for National Censuses Service Florante Varona na mahalaga ang kooperasyon ng publiko sa census dahil ito ang magiging batayan sa magiging polisiya at programa ng pamahalaan.

“May kaukulang parusa po ito kung hindi makikipag-cooperate ang mga mamamayan sa gagawing census. Pero mas gusto po namin na ikumbinsi na lang kesa takutin ang mga mamamayan na sumagot,” ani Varona.


Kasabay nito, tiniyak ni Varona na sumusunod sa minimum health protocols ang kanilang mga enumerator para masigurong hindi sila magdadala o mahahawaan ng COVID-19.

Sakaling hindi pumayag ang respondent sa face-to-face interview, maaari aniyang gawin ang census sa pamamagitan ng telephone interview, online o iiwan na lang ang questionaire saka babalikan kapag tapos na itong sagutan.

Nilinaw rin ni Varona na hindi muna nila pupuntahan ang mga COVID-19 high risk areas.

Facebook Comments