Isang executive order ang inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lumilikha sa Disaster Response and Crisis Management Task Force.
Layunin nitong magkaisa ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagharap at pagtugon sa mga hamon dulot ng kalamidad at natural disasters, sa paraang nakabatay sa science.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, nakapaloob sa Executive Order Number 24 na inilabas ng Palasyo nitong April 30, 2023, mag-a-appoint ang pangulo ng chairperson, at vice chairperson ng task force mula sa mga member agencies na bumubuo nito.
Ilan sa magiging tungkulin ng task force ay ang pamamahala at pag-coordinate ng mga paghahanda, monitoring at evaluation ng mga programa at plano para sa disaster risk management, preparedness at response.
Magiging responsibilidad rin ng task force ang makipag-ugnayan at makiisa sa mahahalagang ahensiya ng gobyerno at Local Government Units (LGU), siguruhin ang nagkakaisang pagtugon, at mag-deliver ng accessible na assistance programs sa mga apektadong komunidad.
Magtatatag rin ang task force ng calibrated national disaster mobilization system, mangasiwa sa pagpapatupad ng national, local at community-based disaster resilience programs, at i-convene ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) para sa pagdeklara at pagtatanggal ng state of calamity, maging mag-aapruba ng paggugol mula sa NDRRMC fund.