Isang team mula sa Kamara, nasa Tripoli, Libya ngayon para tiyakin ang proteksyon at karapatan ng mga OFWs

Batay sa awtorisasyon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay nasa Tripoli, Libya ngayon ang isang team mula sa House of Representatives sa pangunguna ni Committee on Overseas Workers Affairs at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo.

Ayon kay Rep. Salo, tugon ito sa imbitasyon ni Libyan Ministry of Labor and Rehabilitation Undersecretary for Employment Affairs Ali Al-Hadi Al-Maqouri kung saan kanilang tatalakayin ang employment opportunities para sa mga Pilipino.

Binanggit ni Salo na kanila ding pag-aaralan ang posibleng pagbawi sa deployment ban na ipinatupad ng Pilipinas sa Libya simula noong 2019 lalo’t naghahanap ng manggagawa ang Libyan oil companies, construction firms at mga paaralan.


Sabi ni Salo, kasama ang mga opisyal ng Philippine Embassy at kinatawan ng Filipino community ay isasagawa ang pulong ukol sa proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs at para i-assess ang contingency plans na inilatag ng mga opisyal ng gobyerno.

Diin ni Rep. Salo, ang kanilang misyon sa Libya ay napapanahon at mahalaga para sa kapakanan at kaligtasan ng mga OFWs sa gitna ng tumitinding tensyon ngayon sa Middle East.

Facebook Comments