Bumuo ang House Committee on Public Order and Safety ng isang technical working group o TWG na pamumunuan ni Misamis Occidental Rep. Sancho Oaminal.
Trabaho ng TWG na plantsahin ang mga panukala ukol sa national sex offender registry o listahan ng mga indibidwal na nahatulang guilty sa sex offenses na layuning maproteksyunan ang mga bata.
Ang nabanggit na mga panukala ay inihain nina Tingog Party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre at Patrol Party-list Representative Jorge Bustos.
Sa pagdinig sa Kamara ay inihayag ni Atty. Joms Asalan ng Commission on Human Rights (CHR) at Atty. Erlaine Lumanog ng National Privacy Commission (NPC) ang kanilang suporta sa panukala.
Pero giit nina Asalan at Lumanog, dapat tiyakin na hindi malalabag ang mga karapatan ng mga sex offenders na ilalagay sa listahan lalo na ang kanilang right to privacy.
Nagpahayag din ng suporta sa panukala ang mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Dangerous Drugs Board, Philippine Commission on Women, Counsel for the Welfare of Children, Philippine Center for Transnational Crime.