Isang testigo, idinetalye ang pagde-deliver ng male-maletang pera sa bahay nina Cong. Zaldy Co at dating Speaker Martin Romualdez

Lumantad din sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang isa pang testigo na nagsalaysay ng mga ginagawa nilang paghahatid ng male-maletang pera sa bahay nina Cong. Zaldy Co at dating Speaker Cong. Martin Romualdez.

Iniharap ni Senator Rodante Marcoleta ang resource person na si Orly Regala Guteza, dating sundalo at security consultant ni Co.

Inamin ni Guteza na naghahatid sila ng “basura”, ito ang tawag nila sa mga maletang naglalaman ng salapi na idini-deliver nila sa bahay ni Co at Romualdez.

Ang bawat maleta aniya ay naglalaman ng humigit kumulang ₱48 million bawat isa.

Sinabi ni Guteza na kapag may “duty detailed basura” ay pumupunta sila sa bahay ni Co sa Valle Verde, Pasig City at ito ay tinatanggap o niri-receive ng mga tauhan na sina John Paul Estrada at Mark Tecsay.

Binanggit din ni Guteza si ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap na minsang naghatid ng 46 maleta sa bahay ni Co.

Sa 46 na maleta, 11 rito ay iniiwan sa unit ni Co sa Horizon Residences habang ang 35 maleta ay inihahatid sa bahay ni Romualdez sa Mckinley Street sa Taguig City.

Dahil nangangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya sa mga isiniwalat sa pagdinig ng Senado ay hiniling ni Guteza na mapasailalim siya sa Witness Protection Program.

Facebook Comments