Cauayan city, Isabela – Tuluyan nang nasampolan ang isang tindahan sa Barangay District 1, Cauayan City dahil sa patuloy na pagbebenta ng alak.
Pinasarado na ng barangay sa pamamagitan ng rekomendasyon ng PNP Cauayan City ang Rizalina Martin Store na pag aari ni Ofelia Yap ng Zipagan St. ng naturang barangay.
Ayon kay Brgy. Captain Esteban Uy, pormal na nilang isinilbi ang closure order sa nasabing tindahan.
Ito ay alinsunod parin sa umiiral na Executive Order 23 na inilabas ng LGU Cauayan City na nagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Matatandaan na sinugod ng mga pulis ang tindahan ni Yap noong Lingo, April 26, 2020 dahil sa sumbong ng isang concerned citizen na nagbebenta ito ng alak.
Nagpanggap ang isang pulis na bibili ng alak at dito nagpositibo ang naturang sumbong.
Dagdag pa ni Kapitan Uy, hindi muling makakapagbenta ng kahit anuman ang tindahan hanggang umiiral ang ECQ at GCQ.
Sa ngayon, mahigpit pa rin ang kautusan ni Governor Rodito Albano III na bawal ang pagbebenta at pag inum ng kahit na anumang nakalalasing na inumin sa buong Lalawigan.