Pinuri ng isang transport organization ang LTFRB sa pagpigil nito sa isang dayuhang Transport Network Company (TNC) na makapasok sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) sa bansa dahil sa paggamit nito ng dummy investors.
Kasabay nito, kakasuhan ng transport group na United Transport Koalisyon o 1-Utak ang Velox Technology Philippines Incorporated dahil sa paglabag sa anti-dummy law.
Ayon kay Atty. Vigor Mendoza ng 1-Utak, ang Velox ay isang Singaporean Firm na may 60 percent shares na pag-aari ng Velox South-East Asia Holdings.
Sa ilalim ng anti-dummy law, ipinagbabawal sa mga dayuhang kumpanya na maging bahagi sa management, operation, administration o control ng alinmang nationalized activity.
Ayon pa kay Mendoza, gumagamit ang Velox ng mga Pinoy na dummy partners para mapaikutan ang itinatadhana ng constitution.
Pinuri ng grupo ang LTFRB dahil sa pagtatanggol sa soberenya ng bansa.
Sinisilip ng 1-Utak ang posibleng criminal liability ng Velox kasama na ang tax evasion, perjury at falsification of public documents.