Isang Tsuper, Arestado sa Baril at Pagnanakaw!

Santiago City- Arestado ang isang lalaki matapos mahuli sa aktong pagdadala ng baril sa isang pampasaherong bus at van terminal sa Brgy. Villasis, Santiago City kahapon Mayo bente uno, dosmil disiotso.

Kinilala ang suspek na si John Paul Palma, dalawampu’t apat na taong gulang, walang asawa, traysikel drayber, tubong Albano St. Brgy. District 3, Cauayan City na kasalukuyang naninirahan sa Baranagay Baluarte, Santiago City.

Sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan sa Santiago City Police Station 1, isang concerned citizen umano ang tumawag sa kanilang himpilan na ang naturang suspek ay may dala-dalang baril na nakalagay sa kanyang baywang na agad namang nirespondehan ng kapulisan.


Nakumpirma naman ng mga rumespondeng pulis ang naturang sumbong at nagtangka pa umanong hugutin ng suspek mula sa kanyang baywang ang kalibre trentay otsong baril subalit agad din itong nadakip.

Samantala, matatandaan na si Palma din umano ang salarin sa naganap na pagnanakaw noong Mayo Trese sa Brgy. Baluarte, Santiago City kung saan ay tinangay nito ang isang flat TV Screen, isang laptop at lady bag na pag-aari ng biktimang si Niῆa Domingo na agad ding nakuha ng mga rumespondeng pulis ang mga nasabing gamit habang nakatakas naman ang suspek na si Palma.

Hawak na ngayon ng Santiago City Police Station 1 ang suspek na mahaharap sa kanyang kaukulang kaso.

Facebook Comments