Bubuksan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang isang U-turn slot sa EDSA.
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, kinumpirma ni MMDA Gen. Manager Jojo Garcia ang muling pagbubukas ng isang U-turn slot sa harap ng Quezon City Academy sa EDSA sa darating na Biyernes.
Ayon kay Garcia, dumaan sa konsultasyon ang nasabing desisyon kasama ang Quezon City Government matapos na lubhang maapektuhan ang mga residente at motorista sa mga ginawang pagsasara sa U-turn slots sa EDSA na bahagi ng EDSA Busway Project.
Posible na ring buksan ang iba pang U-turn slots para naman sa mga emergency vehicles.
Inatasan naman ng Chairman ng komite na si Manila Rep. Manuel Luis Lopez ang MMDA na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga commuters at motorista sa implementasyon ng proyekto lalo pa’t nagdulot ito ng heavy traffic sa mga major thoroughfare.
Dagdag pa ng kongresista, ang pagsasara ng U-turn slots ay hindi lamang nakaapekto sa mga residente at motorista ng Quezon City, Caloocan at Makati kundi pati mga residente sa buong Metro Manila na bumabyahe sa EDSA.