Nagka-aberya ang isang Vote Counting Machine (VCM) sa pagbubukas kanina ng mga polling precincts sa Pinaglabanan Elementary School sa San Juan City.
Fake ballot ang lumalabas tuwing isinusubo ng mga botante ang kanilang balota sa Cluster Precinct 1131, dahil dito humaba ang pila ng mga boboto. Agad namang nakapag trouble shoot ang mga opisyales at ngayon ay lumalabas na ang tamang resibo.
Ayon kay Dennis Bacle, DepEd Election Supervising Officer, dito boboto ang mga botante mula sa Barangay Tibagan, St. Joseph, at Isabelita.
Aabot sa 9,000 ang rehistradong botante rito at mayroong 13 cluster precincts.
Naglaan ng isang kwarto sa ground floor ang eskwelahan para sa mga PWDs, mga buntis at mag mahihina ang katawan. May inilagay din na temperature scanner para kunan ng temperatura ang mga papasok sa mga polling precincts.
Ipatutupad naman ang one-way traffic flow para mapanatili ang social distancing. Samantala, bawat barangay ay may sariling sections ng building para maiwasan ang siksikan at may mga directional arrows na nakapaskil para magsilbing gabay kung saang floors boboto ang mga voters.
Ang mga may sintomas naman ng COVID-19 ay dadalhin sa isang tent assigned na magsisilbing isolation polling place.