Isdang galunggong, naging abot kaya na ang presyo kasunod ng pag- stabilize ng suplay nito sa Metro Manila

Naibaba na sa ₱180 kada kilo ang isdang galunggong mula sa dating ₱260 hanggang 280/kg dahil sa kakapusan ng suplay.

Ito’y base sa daily market price monitoring ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga Metro Manila markets.

Ayon sa BFAR, naramdaman na ang pag-stabilize ng suplay dahil nagsimula ng magbagsak ng maraming isdang galunggong sa Navotas Fish Port Complex (NFPC).


Resulta rin ito ng pagtanggal ng three-month closed fishing seasons sa mga pangunahing fishing ground sa bansa.

Batay naman sa report ng Philippine Fisheries Development Authority, naitala ang malaking volume ng unloaded fish supply na aabot sa 9,506.81 metric tons (MT) sa mga fishing port simula March 1 hanggang March15.

Mula sa kabuuang naibagsak, 5,743.44 MT dito ay marine commodities, 1,480.88 MT ay aquaculture, at 2,282.49 MT ay frozen fish products.

Malaking porsyento ng fish supply ay galunggong, sinusundan ng bangus, tilapia, tulingan at tamban.

Dahil sa magandang huli ngayong Marso, tiwala ang NFPC na malalagpasan nito ang record na 12,404.4 MT noong January at 15,384.9 MT noong February.

Facebook Comments