Isdang tawilis at tilapia sa Taal Lake, ligtas kainin — BFAR

Apektado na ang kabuhayan ng ilang mangingisda dahil sa paghina ng bentahan ng mga isda mula sa Taal Lake.

Kasunod ito ng isiniwalat ng isang whistleblower kaugnay sa mga bangkay ng mga nawawalang sabungero na itinapon ‘di umano sa nasabing lawa.

Pero, una nang nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas pa rin kainin ang mga isda mula sa Taal Lake gaya ng tawilis at tilapia.

Ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, walang dapat ipangamba ang publiko sa pagkain at pagbili ng tawilis dahil ito ay isang small pelagic fish at ang tanging kinakain nito ay mga planktons o ‘yong maliliit na organismo na matatagpuan sa tubig.

Dagdag pa ni Briguera, ligtas din kainin ang mga bangus na galing sa lawa dahil nananatili lamang ito sa isang lugar na may harang at hindi ito malayang nakalalangoy sa iba pang parte ng lawa.

Ang Taal Lake ay isa sa mga pangunahing pinagkukuhanan ng suplay ng tilapia at bangus sa Metro Manila at CALABARZON Region.

Facebook Comments