Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Engr. Teodorico Dumlao, Supervising Area Engineer ng ISELCO 1, sinisikap aniya ng nasabing electric cooperative na bigyan ng maayos na serbisyo ang kanilang mga konsyumer.
Ang kalimitan umanong nararanasan ng ilang member-consumer na biglang pagkawala ng kuryente ay tinatawag din bilang unscheduled power interruption.
Paliwanag ng ISELCO-1, ilan sa mga dahilan ng pagkakaantala ng daloy ng kuryente ay dahil sa tinatawag na failure of equipment at kung minsan naman ay vegetation.
Ang vegetation ay yaong mga sanga ng mga punong kahoy na sumasabit sa mga linya ng kuryente na nagiging sanhi umano ng mga power circuits.
Ang pangunahing dahilan umano kung bakit minsan ay natatagalan ang pagbalik ng kuryente ay dahil kinakailangan munang hanapin ang linya ng kuryente na mayroong sira o “fault”.
Kaugnay nito, kung sakali man umanong nagkakaroon ng power interruption ay agad naman nila itong inaaksyunan ngunit minsan ay natatagalan rin umano dahil sa pagkakasabay-sabay ng complaints.
Ayon pa kay Engr. Dumlao, patuloy ang kanilang isinasagawang clearing of lines upang mas maging maayos umano ang serbisyo ng kanilang kooperatiba sa mga member-consumer.