Cauayan City, Isabela- Humihingi ng pasensya at pang-unawa ang pamunuan ng Isabela II Electric Cooperative (ISELCO II) sa mga nagrereklamong consumer owners nito na naapektuhan sa paulit-ulit na brownout nitong mga nagdaang araw.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Dave Siquian ng ISELCO II at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperative (PHILFECO), nilinaw nito na hindi kulang ang supply ng kuryente bagkus ay nagkaroon ng problema sa kanilang sub station.
Mayroon aniyang inayos na nasirang gamit sa Sub Station ng ISELCO II sa bayan ng Naguilian kaya’t nakaranas ng patay sinding kuryente sa ilang mga lugar na sakop nito.
Sinabi nito na maraming mga dahilan ng power interruptions na dapat ay maintindihan din ng mga consumer owners.
Gayunman, kanyak tiniyak na agad aaksyunan sakaling magkaroon ng di inaasahang brownout upang agad na maibalik ang supply ng kuryente.
Samantala, plano ngayon ni GM Siquian na magkaroon ng pulong sa mga Barangay Power Association (BAPA) upang pag-usapan ang mga dapat na gawin sakaling magkaroon ng power interruption.