Binatikos ng Department of Tourism (DOT) ang pagsasagawa ng Halloween party sa Boracay Island sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, napaka-iresponsable ang nangyaring mass gathering sa Casa de Arte sa Sitio Cagban, Barangay Manoc-Manoc noong October 31.
Dagdag pa ng kalihim, ginawa ang party sa establisyimentong hindi accredited ng ahensya.
Ipinanawagan ni Puyat sa mga lokal na pamahalaan, stakeholders at mga bumibisita sa isla na sundin ang health at safety guidelines na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Suportado ng DOT ang rekomendasyon ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group na ipasara ang establisyimento dahil sa kabiguang magkaroon ng business permit at iba pang clearances.
Una nang sinabi ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista na nangyari ang party sa isang private residence na matatagpuan malayo sa beach area.