Isinanlang lupa na gusto nang bawiin, motibo sa pagpatay sa magkasintahang Lopez at Cohen

Nag-ugat sa isinanlang lupa ng dating pulis na si Patrolman Michael Guiang na gusto nang bawiin ng biktimang si Geneva Lopez ang sanhi sa pagpatay sa kanya at ng kanyang kasintahan.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Leo Francisco, nang babawiin na ang lupa ni Lopez, sinabi ni Guiang na may buyer na umano sa katauhan naman ni dating Patrolman Rommel Abuso.

Sinabi pa ni Francisco na nakipagkita sina Lopez at kasintahang Israeli na si Yitshak Cohen kay Guiang noong June 21 sa Brgy. Armenia Capas, Tarlac City at doon na rin sila binaril at pinatay.


Ani Francisco, pinagplanuhan ng dalawang dating pulis ang pagpatay sa magkasintahan.

Sina Guiang at Abuso ay kapwa na-dismiss sa serbisyo noong 2019 at 2020.

Ang dalawa ang itinuturing na primary suspek sa pagpatay sa magkasintahan kasama ang isang sibilyan na si Jeffrey Santos.

Dalawang Person of Interest (POI) din ang hawak ng pulisya na sina alyas Don-don at Jun-jun.

Samantala, dalawa rin ang nananatiling at large at pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa ngayon, inihahanda na ang kasong 2 counts of murder laban sa pitong sangkot sa pagpatay sa magkasintahang Lopez at Cohen.

Facebook Comments