Mariing ipinahayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Roy Vincent Trinidad na hindi nila pahihintulutan ang isinasagawang reklamasyon ng China sa Escoda shoal sa West Philippine Sea.
Kaakibat nito ay kinumpirma ni Trinidad ang pagpapadala nila ng isang barko sa lugar, kasabay ng regular na presensya ng Philippine Coast Guard upang masusing bantayan ang ilegal na pagtatambak ng coral sa Escoda Shoal.
Dagdag niya, mas malapit ng 35 milya ang Escoda Shoal sa mainland ng Palawan kumpara sa Ayungin Shoal, kaya malinaw na nasa loob ito ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Iginiit din ni Trinidad, na hindi sila papayag maulit ang nangyaring reklamasyon ng China sa WPS noong 2012-2013 kung saan ang mga ito ay lumikha ng mga artipisyal na isla upang gawing base militar.