Manila, Philippines – Inihayag ngayon ni Manila Police District o MPD Spokesman P/Supt. Erwin Margarejo na naging mapayapa sa kabuuan ng isinasagawang tigil-pasada ng grupong PISTON at Stop and Go Coalition sa Manila.
Ayon kay Margarejo, hindi naman tuluyang naapektuhan ang mga pasahero dahil mayroon naman umanong libreng sakay na ibinibigay ang gobyerno sa mga pasaherong na-istranded.
Paliwanag ni Margarejo, may naka-deploy naman na PNP sa mga lugar kung saan isinasagawa ang strike kaya maliit lamang na porsyento ang naapektuhan sa tigil-pasada.
Giit ni Margarejo, mayroong kaakibat na parusa at kulong ang sinumang mga tsuper na nanghaharang sa mga pumasadang driver.
Dagdag pa ng opisyal, inaantabayan nila ang mga report na mga naistranded sa España, Sta. Mesa, at Anda Circle upang makapagdala sila ng mga bus na libreng sakay.
Pinaalalahan din ng MPD ang PISTON na bantayan ang kanilang hanay para maiwasan ang kaguluhan.