ISINASAPINAL | Emergency employment, inihahanda para sa mga biktima ng landslide sa Naga City, Cebu

Manila, Philippines – Isinasapinal na ng Department of Labor and Employment Reg 7 at ng lokal na pamahalaan ng Naga City, Cebu ang mga mekanismo para sa pagbibigay ng emergency employment sa mga manggagawang naapektuhan ng landslide noong nakaraang linggo, dahil sa mga naranasang pagulan.

Ayon kay DOLE-7 Regional Director Atty. Johnson Cañete, nakikipagugnayan na sila sa Public Employment Service Office (PESO) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa profiling ng mga apektadong manggagawa sa anim na barangay na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity.

Aniya, ang profiling ay inaasahang masasakop ang mga indibidwal at pamilyang naninirahan sa barangay ng Tina-an, Naalad, Mainit, Pangdan, Cabungahan, at Inoburan.


Sinabi ni Cañete na may isang miyembro kada pamilya ang maaaring tumanggap ng emergency employment.

Magtatrabaho ang mga benepisaryo sa loob ng 30 araw at may arawang sahod na P386, At magiging kasapi rin sila sa group micro-insurance sa loob ng isang taon sa ilalim ng Government Service Insurance System.

Aniya hinihintay na lamang nila ang official list mula sa Provicial Social Welfare and Development Office, at sa oras na makuha ito, ay agad na ipatutupad ang programa.

Facebook Comments