Manila, Philippines – Sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga ulat ng umano ay deployment ng China ng missiles sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay sa kabila ng mga banat na natatanggap ng kaniyang administrasyon dahil sa umano ay kawalan ng aksyon sa militarisasyon ng China sa mga pinag-aagawang isla.
Ayon kay Pangulong Duterte, nagsimulang magtayo ang China ng mga artificial-islands sa WPS bago pa man siya maupo sa pwesto.
Sinabi pa ng Pangulo na dapat kwestyunin ang administrasyon ni Aquino dahil matapos manalo sa arbitration case, ay wala na silang ginawa at hindi na sinita ang China.
Maging ang Amerika ay sinisi rin ni Duterte dahil kaya naman daw nitong pigilan ang China pero wala din ginawa at hinayaan ang China sa reclamation activities nito.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ni Duterte ang sitwasyon at iginiit na hindi siya magdeklara ng giyera laban sa China dahil hindi kakayanin ng Pilipinas ang military powers nito kung saan magreresulta lamang ito sa pagkaubos ng mga Pilipino.