Manila, Philippines – Ibinunyag ni Senator Panfilo Ping Lacson na mula sa 7 billion pesos ay itinaas ng Kamara sa 16 billion pesos ang pondo ng national government para sa pagtulong sa Local Government Units (LGUs).
Nasilip ito ni Lacson sa plenary deliberations ng Senado para sa panukalang 2019 National budget.
Sabi naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi sila kinonsulta ng Kamara sa ginawang pagdagdag ng 9 na bilyong piso sa budget na Assistance to Local Government Units o ALGU.
Para kay Lacson, ito ay maituturing na lump sum at may grave abuse of discretion.
Paliwanag ni Lacson, dapat ay nagsagawa muna ng konsultasyon ang Kamara sa Malakanyang bago nito pinalobo ang nasabing pondo.
Ikinatwiran pa ni Lacson na dapat ay may partikular na paglalaanan ang pondo dahil kung wala ay magiging malaya ang mga kongresista na ipamigay ang pondong sa pamamagitan lang ng resolusyon mula sa LGUS.