Manila, Philippines – Isinusulong ni Kabayan Party-list Representative Ron Salo na itaas sa P600 ang minimum wage ng lahat ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Naniniwala si Salo na makatutulong ito para maging pantay-pantay ang pagkakaiba sa sahod ng mga nasa private sectors sa buong bansa.
Aniya, maaaring ikunsidera ng mga minimum wage earners sa labas ng Metro Manila na magtrabaho na lamang sa kanilang mga lugar at hindi na luluwas sa National Capital Region (NCR), dahil pantay na lamang ang sahod na kanilang matatanggap.
Makatutulong ito sa pagbaba ng populasyon ng mga empleyado sa Metropolis at matinding traffic.
Pinalilimitahan din sa ilalim ng panukala ang kapangyarihan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa pagtukoy ng ibang batayan sa sahod ng mga hindi sakop ng minimum wage.
Hinihiling din sa panukala ang pagbibigay ng dagdag na insentibo para sa mga minimum wage earners upang makaagapay sa inflation at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.