Ibinabala ni Finance Secretary Benjamin Diokno, ang magiging epekto ng isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ₱150 across the board na wage increase sa lahat ng pribadong sektor sa buong bansa.
Sa budget briefing sa Senado ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ay mistulang nagkomprontahan sina Diokno at Zubiri sa pagsusulong ng ₱150 wage.
Ayon kay Diokno, ang dagdag na ₱150 na sahod ay magpapataas sa inflation ng 1.4 percentage points o ang 5 hanggang 6 percent na inflation ngayon ay pwedeng tumaas pa.
Aniya pa, posible ring ipasa ng mga employer sa mga consumer ang gastos para sa dagdag na sahod.
Iginiit naman ni Zubiri, na babalik din naman sa ekonomiya ang dagdag na sahod sa mga manggagawa dahil gugugulin din ito ng mamamayan sa kanilang mga pangangailangan at iba pang mga bilihin at gastusin.