Malabnaw ang pagtanggap ng mga senador sa isinusulong na Charter Change (ChaCha) o pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon.
Ito ang inihayag ni Senator Nancy Binay kaugnay na rin sa panukala na pag-amyenda ng Kongreso bilang Constituent Assembly (ConAss) sa economic provisions ng konstitusyon na inihain ni Senator Robin Padilla.
Ayon kay Binay, sa ngayon ay hindi ganoon kabukas o hindi pa ikinukunsidera ng Senado ang panukalang pagamyenda sa economic provisions dahil sa dami ng mga bagay na mas dapat iprayoridad tulad ng pagtaas ng inflation at ang nagbabadyang global recession.
Kahit aniya si Pangulong Bongbong Marcos ay hindi niya batid kung mayroon bang isinusulong na ChaCha.
Paliwanag ni Binay, kung economic provisions lang naman ang babaguhin ay mainam na tingnan muna at ibenta sa mga dayuhang mamumuhunan ang mga batas na Public Service Act at Trade Liberalization Act para sa pagluwag ng mga foreign investments.
Dagdag pa ng senadora, sa puntong ito ay hindi napapanahon ang ChaCha lalo’t kagagaling lang ng bansa sa pandemya at mas dapat na unahin ang pagbangon at iba pang mabibigat na isyu tulad na lamang ng food security.