Isinusulong na Charter Change, posibleng may basbas na ni Pangulong Marcos

Naniniwala si Albay Rep. Edcel Lagman na posibleng may basbas na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tinawag niyang Charter Change o Cha-Cha Carvan sa Mababang Kapulungan.

Ito ang malakas na hinala ni Lagman kahit pa dumidistansya dito si Pangulong Marcos sa pagsasabing hindi nya prayoridad ang pag-amyenda sa 1987 constitution.

Para kay Lagman, ang tila pag-arangkada sa Cha-cha ng mga kaalyado ng pangulo sa Kamara o ng “supermajority coalition” ay hindi sapat na pahiwatig na sila ay natuto ng maging “independent” sa Ehekutibo.


Ginawa ni Lagman ang pahayag makaraang aprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang committee report ng Resolution of Both Houses na nagsusulong ng Constitutional Convention o Con-Con bilang paraan para isagawa ang Cha-Cha.

Sa ngayon ay umaabot na rin sa 7 ang public consultations na isinagawa ng komite para makuha ang panig ng iba’t ibang resource persons, sektor at publiko ukol sa panukalang pag-amyenda sa ating Saligang Batas.

Facebook Comments