
Walang basehan, hindi patas at taliwas sa itinatakda ng Party-list System Act ang mungkahi ni Cebu Representative Duke Frasco na imbestigahan din, parusahan at kung maaari ay idiskwalipika ang Ako Bicol Party-list na siyang kinatawan ni dating Congressman Elizaldy Co sa Kamara.
Giit ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin, pawang alegasyon pa lamang ang ibinabato kay Co at wala pang naisasampang kriminal o kasong administratibo sa kanya.
Tinukoy rin ni Garbin na batay sa Konstitusyon, ay inosente pa si Co at hindi pa nahahatulang guilty sa anumang kasalanan kaya ang paghusga dito ng walang due process ay delikadong pagsantabi sa rule of law.
Paliwanag ni Garbin, batay sa Party-list System Act ang mga party-list organizations ay hiwalay na juridical entities sa mga nominado o kinatawan nito kaya ang mungkahing parusahan din ang Ako Bicol Party-list base sa mga hindi pa napapatunayang paratang kay Co ay pagkakait sa karapatan ng milyun-milyong mga Bicolano na bomoto sa partido.
Ayon kay Garbin ang pagbibitiw ni Co bilang miyembro ng Kamara ay isang sakripisyo at ethical choice para hindi maimpluwensyahan ang mga imbestigasyon kung saan makakatutuok din siya sa kaniyang legal na depensa habang nagpapagamot.
Tiniyak naman ni Garbin na ang Ako Bicol Party-list ay hindi mababahiran ng mga ipinupukol na akusasyon kay Co at patuloy itong magsi-serbiyo sa mga constituents nito habang umaasa na higit na mananaig ang hustiysa at katotohanan kumpara sa ingay ng politika.









