Isinusulong na pag-aalok ng pabuya para kay ex-Rep. Zaldy Co, suportado ng PNP

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na pag-aalok ng pamahalaan ng pabuya para sa mabilis na pagkakaaresto kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.

Ayon kay PNP acting Chief PLt. General Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Office of the President para sa posibleng hakbang para mahuli ang dating mambabatas.

Ayon kay Nartatez, wala pa silang natatangap na pormal na rekomendasyon ngunit sila ay handang sumuporta sa anumang mapagdedesisyunang polisiya ng pamahalaan.

Dagdag pa ng acting chief, mas dumadami ang potential informants kapag may reward lalo na sa mga lugar kung saan limitado ang presensya ng kapulisan.

Ayon pa sa kanya, mayroon o walang reward ay patuloy ang kanilang intelligence build up at operasyon para maaresto ang nasabing akusado.

Inatasan naman ni Nartatez ang mga police units sa bansa na higpitan ang boarder at checkpoint monitoring pati na rin ang pagpapaigting ng koordinasyon sa ibang ahensya at komunidad.

Facebook Comments