
Binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na paglabag sa Konstitusyon kung basta na lamang ibabasura ng Senado ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang reaksyon ni Pimentel matapos aminin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na siya ang promotor sa umiikot na draft resolution na nagpapa-dismiss sa impeachment case ni VP Sara sa Senado.
Paliwanag ni Pimentel, bagamat sa court analogy ay tama naman na dalhin sa impeachment court ang motion o resolusyon para sa pagpapabasura ng kaso, pero malinaw ring sinasabi sa Konstitusyon na ang paglilitis sa Senado ay dapat isagawa “forthwith” o agad na gawin.
Kung meron aniyang impeachable official, kailangang marinig ng taumbayan kung ano ba ang mga ebidensiya mayroon ang prosekusyon na nagpapa-impeach kay VP Sara.
Mahalaga rin na mabigyan ng pagkakataon ang impeached official na depensahan at linisin ang kanyang pangalan kaya dapat lamang na matuloy ang trial sa bise presidente.









