Inaprubahan na ng Senate Committee on Agriculture, na pinamumunuan ni Senator Cyntha Villar, ang Senate Joint Resolution number 12 na nagtatakda ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga rice farmer na ang sinasaka ay isang ektarya pababa.
Kukunin ang nabanggit na ayuda sa surplus o halagang lalagpas sa ₱10 bilyong koleksyon ng Bureau of Customs o BOC sa mga inaangkat na bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay Villar, mula noong January hanggang September 2020 ay umaabot na sa ₱13.68 billion ang nakolekta ng BOC kaya mayroon nang 3.68 billion na nakalaan sa cash assistance para sa rice farmers.
Sa pagtaya ni Villar ay nasa 600,000 ang mga magsasaka na makikinabang dito kaya kung hahatiin ang mahigit tatlong bilyong piso ay tatanggap bawat isa sa kanila ng tig-5,000 piso.
Pero ayon kay Agriculture Secretary William Dar, nasa 1.1 milyon ang mga rice farmers sa bansa na ang sinasaka ay isang ektarya pababa.
Diin ni Senator Villar, ang nabanggit na ayuda ay malaking tulong sa mga magsasaka ng bigas ngayong may pandemya.