Binatikos ni Senator Leila de Lima ang hirit ni Ombudsman Samuel Martires na maparusahan ng pagkabilanggo na hanggang limang taon ang sinumang magbibigay ng komento ukol sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Isinulong ito ni Martires sa gitna ng mga panawagang pagsasapubliko sa SALN ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni De Lima, natural lamang na maging interesado ang lahat sa SALN ng pangulo, bilang pinakamataas ito na opisyal sa bansa at sa harap na rin ng lumalalang korapsyon na tila sakit na kumakalat sa mga public officials.
Ayon kay De Lima, mukhang nakalimutan na ni Martires ang Constitutional Law lessons nito sa law school at mga isinulat ukol sa Supreme Court Justice kaugnay sa freedom of speech, unconstitutionality of prior restraint statutes, gayundin ang layunin at constitutional mandate ng paghahain ng SALN.
Dismayado si De Lima na ang mga aksyon ni Martires ay taliwas sa mandato nito na imbestigahan ang mga katiwalian sa gobyerno at protektahan ang publiko laban sa mga abusado at tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Giit pa ni De Lima, ang paraan ng pagganap ni Martires sa kanyang trabaho bilang Ombudsman ay salungat din sa isinasaad ng Article on Public Accountability sa 1987 Constitution.
Dahil dito ay duda si De Lima na iimbestigahan pa ni Martires ang mga sangkot sa pagbili ng umano’y overpriced na face mask, PPE at iba pang medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.