Isinusulong na pederalismo ni PBBM, mangangailangan ng pag-amyenda sa Konstitusyon

Pinuri at sinusuportahan ni Committee on Constitutional Amendment Chairman at Cagayan De Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa hangaring Pederalismo.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Rodroguez na ang layunin ng pangulo ay hindi makakamit kung hindi mangyayari ang Federal government na mangangailangan ng pag-amyenda sa konstitusyon.

Ayon kay Rodriguez, ang pagbabahagi ni PBBM ng central government powers sa Local Government Units ay nakapaloob na sa mga probisyon ng Charter at Local Government Code na siyang nagpapalakas sa mga lalawigan, lungsod, bayan at mga barangay sa buong bansa.


Diin ni Rodriguez, kung gusto ni Pangulong Marcos na magkaroon ng kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na magsarili ay kailangang palitan ng Federal system ang kasalukuyang gobyerno.

Bunsod nito ay hinikayat ni Rodriguez si Pangulong Marcos na gamitin ang taglay nitong suporta para maisakatuparan ang pagbabago sa porma ng ating pamahalaan tungo sa Pederalismo.

Iminungkahi rin ni Rodriguez na kung gagawin ang Charter change ay mainam na isama rito ang pag-amyenda sa mga economic provisions sa Saligang Batas.

Facebook Comments