Nagkakaisa ang mga Senator sa pagbatikos sa isinusulong na Revolutionary government ng isang grupo na taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang rule of law ang tanging gabay para sa ikabubuti ng Pilipinas kaya dapat tigilan na ang pagsusulong ng Revolutionary government.
Inilarawan naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga nasa likod ng Revolutionary government bilang mga sipsip na wala sa lugar.
Sigurado si Lacson, na hindi rin gusto ni Pangulong Duterte ang nabanggit na hakbang.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, hindi dapat seryosohin ang panawagan para sa Revolutionary government na nakakagulo sa pagharap natin sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sabi naman ni Senator Nancy Binay, hindi nakaka-flatten ng curve ang Revolutionary government.
Umapela naman si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa lahat na maging magpagbantay laban sa ganitong mga hakbang kung saan walang mapaapala ang mamamayang Pilipino.
Hindi nakasaad sa anumang ligal na dokumento, gaya ng Saligang Batas ng 1987, ang konsepto ng isang pamahalaang Rebolusyunaryo.