Manila, Philippines – Mariing kinontra nina opposition Senators Kiko Pangilinan, Leila De Lima at kanilang leader na si Senator Franklin Drilon ang pasya ng mga kongresista na ipagpaliban ang Barangay at Sangguninang Kabataan o SK elections na nakatakdang ganapin ngayong darating na Oktubre.
Ang pahayag ng minority senators ay kasunod ng anunsyo ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, napagkasunduan ng mga kongresista na isabay na lamang ang Barangay at SK elections sa plebisito para sa charter change at panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL na gagawin sa Mayo 2018.
Pero giit ni Senator De Lima, na siyang chairperson ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, hindi nararapat ang nais mangyari ng Kamara lalo na kung papayagang magtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bagong barangay officials na aniya’ labag sa konstitusyon.
Ipinaalala pa ni De Lima na noong nakaraang taon ay ipinagpaliban na ang Barangay at SK elections dahil alegasyon ni Pangulong Duterte na magagamit ang drug money para sa halalan.
Ayon kay De Lima, bakit kailangan na muli itong maipagpaliban ngayon dahil sa kaparehong dahilan na hindi pa rin nareresolba sa kabila ng ikinasang giyera kontra ilegal na droga ng administrasyon.
Kaugnay nito ay umaasa si De Lima na magbabago pa ang isip ng mga kongresista at hahayaan ang taongbayan na pumili ng nais nilang mamuno sa kanilang mga komunidad.
Giit naman ni Senator Pangilinan na siyang vice chairman ng komite, dapat matuloy ang nalalapit na Barangay at SK elections.
Nauna nang inihayag ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na hindi dapat ipagkait sa mamamayan ang oportunidad na pumili ng kanilang local leaders sa pamamagitan ng isang malinis at tapat na eleksyon.