Iskedyul ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Valenzuela, pansamantalang binago

Bilang pag-iingat sa maaaring maging epekto ng mainit na panahon sa kalusugan ng mga mag-aaral, ipinatupad ng Department of Education (DepEd) Schools Division Office ng Valenzuela, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ang pagbabago sa iskedyul ng mga klase hanggang bukas.

Ito’y para sa mga pampublikong paaralan mula Kinder hanggang Grade 12.

Ayon kay Valenzuela City Mayor WES Gatchalian, ang mga estudyante na mga pang-umaga ay papasok ng alas-6:00 hanggang alas-10:30 ng umaga kung saan mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12:30 ng hapon ay asynchronous classes.


Ang mga panghapon naman ay magsasagawa ng asynchronous classes mula alas-12:30 hanggang alas-2:30 ng hapon at papasok sa eskwela mula alas-2:30 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Dagdag pa ni Mayor Gatchalian, sa mga susunod na araw ay maaring magbago pa ang schedule ng mga klase depende sa lagay ng panahon.

Kaya’t dahil dito, hinihimok ng Valenzuela local government unit (LGU) na abangan ng mga magulang at estudyante ang anunsiyo mula sa kanila gayundin sa DepEd Valenzuela.

Kaugnay nito, gumagawa na rin ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela para mabawasan o maibsan ang nararamdamang init ng mga estudyante kung saan bumili sila ng 100 piraso ng electric fan na kanilang ipapamahagi sa iba’t ibang paaralan.

Facebook Comments