Posible kayang si Manila City Mayor Isko Moreno ang susunod na Pangulo ng Pilipinas? Lumabas sa isang survey ay nakopo ni Mayor Isko ang may 25% ng mga boto mula sa isinagawang survey sa bansa ng RP Mission and Development (RPMD).
Isinagawa ang survey sa pagitan ng Oktubre 17-26 ng RPMD, nanguna si Isko Moreno sa presidential race na may 25.39% mula sa kabuuang 10,000 respondents na pinakamataas na bahagdan kaysa iba pang kandidato sa pagkapangulo.
Sumunod kay Mayor Isko ay si dating senador Bongbong Marcos na nakakuha ng 23.1%, pumangatlo si Bisepresidente Leni Robredo na 18.31% at Senador Manny Pacquiao na may 17.88%.
Habang ang iba pang nalalabing porsiyento na 11.3 ay pinaghatian nina Senators Ping Lacson at Ronald dela Rosa at dating presidential spokesman Ernesto Abella.
Ang natitirang 4.02% ng mga respondent ay napapabilang sa tumangging sumagot o hindi nagdesisyon.
Nakopo din ni Moreno ang malaking porsiyento sa Metro Manila kung saan nakuha niya ang 30.53% ng mga botante na sinundan ni Marcos na nakakuha ng 28%.
Nanguna rin ang alkalde ng Maynila sa Visayas nang makopo nito ang 24.63 % ng mga respondent.
Si Moreno ay pumangalawa sa bandang Luzon na may 25.84% laban kay Marcos na nakakuha ng 30.33%.
Pumangalawa si Mayor Isko sa Mindanao nang makopo nito ang 22.7%, na nanguna naman si Pacquiao na may 24.63%.