Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III sa Kamara na nakahanda ang ahensya sakaling makapasok na sa bansa ang novel corona virus.
Sa pagsalang ni Duque sa Question Hour sa sesyon ng Kamara, tinanong ito ni Health Committee Chairman Angelina Tan kung may maayos at sapat na imprastraktura na kayang mag-accommodate sakaling lumobo ang bilang ng mga magkakasakit ng NCOV.
Ayon kay Duque, nag-level up ang mga ospital at medical centers kung saan naglaan na ang mga ito ng sapat na isolation rooms para sa mga sasailalim sa test o magkakaroon ng impeksyon.
Bukod sa sapat na isolation rooms, pinaigting din ang boarder surveillance sa mga paliparan at pantalan, gayundin ang community surveillance.
Pinapalakas din ngayon ng DOH ang public health advisories para maging tama ang basehan ng publiko sa paglaban sa NCOV at hindi sila malinlang ng mga kumakalat na fake news.
Sa ngayon ay may kakayahan na ang DOH na isailalim sa test ang person under investigation (PUI) matapos na magbigay ang Japan ng RNA primer sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).