Bumisita sa Bayan ng Binmaley, Pangasinan si Israel to the Philippines Ambassador Her Excellency Dana Kursh bilang bahagi ng layunin na palakasin ang ugnayan ng Israel at Pilipinas sa pamamagitan ng community engagement at kooperasyon sa lokal na pamahalaan.
Isa sa mga sentrong bahagi ng pagbisita ng embahador ang pakikiramay sa naulilang pamilya ni Angelyn Peralta Aguirre, isang Pilipinang caregiver na nasawi sa Israel noong Oktubre 7, 2023 kasabay ng koordinadong pag-atake ng Hamas fighters. Matatandaang nagkubli si Aguirre sa isang bomb shelter kasama ang kanyang inaalagaang matandang pasyente at mula roon ay nakapagpadala pa ng mensahe sa kanyang pamilya sa Binmaley bago ang trahedya.
Sa kanyang pagbisita, muling tiniyak ng embahador ang malasakit ng pamahalaang Israel sa kapakanan, kaligtasan, at karapatan ng mga Pilipinong manggagawa sa Israel, lalo na sa panahon ng krisis.
Kasabay nito nagpasalamat ang alkalde ng bayan na si Mayor Pedro Merrera III sa pamahalaan ng Israel sa patuloy na pagtanaw nila ng utang na loob.
Ibinahagi rin ni Ambassador Kursh ang posibilidad ng technical at educational cooperation sa Binmaley, gayundin ang mga programang maaaring i-coordinate ng LGU para sa suporta sa mga pamilya ng OFWs at sa mas maayos na pagtugon sa mga emergency situations.
Kasama rin sa mga inilahad ang cultural at youth exchange programs na maaaring ipatupad upang palakasin ang people-to-people ties ng dalawang bansa.
Sa kanyang official visit sa Pangasinan kahapon, nagtungo rin si Ambassador Kursh sa Provincial Capitol at sa Lungsod ng Alaminos, kung saan nakipagpulong siya sa mga lokal na opisyal para talakayin ang mas pinalawak na kooperasyon sa pagitan ng Israel at ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









