Israeli government, binigyang pugay ang 4 na Pinoy na nasawi sa Hamas attack

Nagbigay-pugay ang gobyerno ng Israel sa apat na Pilipinong nasawi sa pag-atake ng Hamas militants noong October 7 sa Israel.

Ayon kay Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, habambuhay na tulong sa kanilang naulilang pamilya ang kanilang ipapangako.

Aniya, magbibigay ang Israel ng P100,000 buwanang tulong para sa pamilya ng mga Pilipinong biktima.


Nakadepende naman ang halagang ibibigay sa status ng pamilya kung ang makakatanggap ay magulang o asawa habang ikinokonsidera rin ang bilang ng anak ng mga biktima.

Matatandaang nagdaos ng misa ang Embahada para sa mga Pilipinong nasawi na sina Angelyn Aguirre, Loreta Alacre, Grace Cabrera, at Paul Castelvi.

Kabilang sa nakiisa sina Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonna Caunan, at Overseas Workers Welfare Administration Administrator Arnell Ignacio.

Samantala, iginiit din ng Israeli envoy na kwalipikado rin para sa naturang buwanang tulong ang pinalayang caregiver na si Jimmy Pacheco na binihag ng militanteng Hamas sa loob ng 49 na araw.

Facebook Comments