Umaasa si San Juan City Mayor Francis Zamora na mabibigyang kasagutan ang kanyang concern hinggil sa tagging para sa pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) with granular lockdown with alert levels sa Metro Manila.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ng alkalde na tulad sa kanilang lungsod kung saan mayroong isang malaking ospital na maraming pasyenteng tinamaan ng COVID-19 kung kaya’t nananatili ang San Juan sa Alert Level 4.
Ayon sa alkalde ang mga naka-admit sa naturang ospital ay hindi naman lahat ay taga-San Juan, mayroong mula sa ibang siyudad at mayroon pang mga galing probinsya.
Aniya, dapat ma-tag o masama ang bilang ng mga pasyente base sa kanilang address at hindi base sa address ng ospital.
Kung ang lumang sistema ang paiiralin, hindi aniya maaalis sa Alert Level 4 ang San Juan o ang lokasyon ng ospital dahil sa dami ng mga naka-admit na COVID-19 patients.
Kasunod nito, umaasa ang alkalde na mabibigyang linaw ito ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) bago ang nakatakdang pilot implementation ng GCQ with granular lockdown with alert levels sa Metro Manila sa darating na Setyembre 15.