Manila, Philippines – Hindi pa man naipapatupad noon ang paghihigpit ni Pangulong Duterte sa mga byahe ng mga nasa gabinete nito, tiniyak ni Speaker Pantaleon Alvarez na naunang maging mahigpit sa mga byahe ng mga kongresista ang Kamara ito man ay abroad o local.
Ayon kay Alvarez, matagal na nilang ipinapatupad sa Kongreso ang istriktong rules sa pagbyahe ng mga mambabatas.
Aniya, kailangan ng travel authority bago payagang makalabas ng bansa o makabyahe kung saan man ang isang kongresista.
Sa travel authority ay nakalagay kung saan ang destinasyon, ano ang pakay at kung sino ang kasamang babyahe.
Kapag personal na lakad ay personal na gastos na ito ng isang mambabatas at kung official invitation ng ibang bansa tulad ng delegasyon, sagot lamang ng Kamara ang plane ticket at bahala na ang host sa accommodation at food ng inimbitahang kongresista.
Sa parte naman ni Speaker Alvarez, kapag siya ay bumabyahe ay sa DFA siya nagpapaabiso.
Dagdag naman ng Speaker, wala pa namang kongresista ang pasaway pagdating sa kanilang mga byahe.