Siniguro ni Philippine National Police Chief PGen. Guillermo Eleazar, na istrikto pa ring ipatutupad ng PNP ang mga health protocols kahit ibaba na sa COVID Alert Level 2 ang quarantine classification sa Metro Manila.
Sinabi ito ni PNP chief matapos ang pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinaghahandaan na ng mga Metro Manila mayors ang pagbaba sa Alert Level 2 sa Nobyembre.
Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang October 31, pero wala pang pormal na rekomendasyon mula sa Metro Manila Council at Inter-Agency Task Force (IATF) kung ibaba ang alert level sa susunod na buwan.
Sinabi ni PNP chief, na anupaman ang alert level ay may sapat na tauhan na naka-deploy ang PNP para ipatupad ang health protocols at pangalagaan ang seguridad ng mga mamayan na pinahihintulutan sa mga pasyalan.
Dagdag pa nito walang pakialam ang Coronavirus sa anumang alert level, kaya ang mga tao ang dapat mag-adjust sa pamamagitan ng tamang pagsunod ng mga patakaran sa kaligtasan.