Istriktong verification procedure sa mga PWDs na babakunahan ng COVID-19 vaccine, hiniling ng isang kongresista

Pinaglalatag ng isang kongresista ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng istriktong verification procedures para sa aplikasyon ng mga Persons With Disability (PWD) na gustong maprayoridad sa COVID-19 vaccines.

Ito ay matapos makarating sa tanggapan ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong na may ilang indibidwal ang gumagamit ng pekeng PWD cards para maisama sila sa priority list ng COVID-19 vaccination program.

Ilan sa mga report na nakarating sa kongresista ay ang isang vaccination center sa Maynila kung saan 90% ng mga recipients dito ay mga Filipino-Chinese na sinasabing mga PWDs pero ang mga ito ay malulusog, fully-functional at walang sintomas ng anumang kapansanan.


Bunsod nito ay lalong dapat na magpatupad ng mga hakbang ang pamahalaan upang maiwasan ang mga pang-aabuso sa mga pribilehiyo na nararapat lamang sa mga PWDs.

Inirekomenda ni Ong sa mga nagpoproseso ng aplikasyon sa COVID-19 vaccination program na kung tunay na may kapansanan ang isang nagke-claim na PWD ay beripikahin ito sa pamamagitan ng PWD master list na makukuha sa National Council on Disability Affairs.

Paliwanag ni Ong, dahil sa limitado lamang ang suplay ng bakuna sa ngayon ay dapat na tiyakin ng gobyerno na karapat-dapat at nasa “A” bracket ng priority list ang mga mabibigyan ng COVID-19 vaccines kabilang dito ang mga frontline workers, senior citizens, PWDs, frontline workers sa mga essential sectors, at indigent population.

Facebook Comments