Manila, Philippines – Tinawag na istupido ni Labor Secretary Undersecretary Jacinto Paras ang patutsada ni Labor Secretary Silvestre Bello III na naglalaway siya sa posisyon ng kalihim.
Mariing sinabi ni Paras na si Pangulong Rodrigo Duterte ang magpapasiya sa magiging kapalaran ni Bello.
Depende aniya sa ebidensya na makakalap sa umuusad na fact finding ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kaugnay ng sumbong ng may-ari ng employment agency na si Azizzah Salim na kinikikilan umano siya ni Bello ng P6.8 million.
Nilinaw ni Paras na wala siyang kinalaman sa kinakaharap na problema ni Bello.
Aniya, galit sa kaniya si Bello dahil siya umano ang nag-udyok sa complainant na idulog ang reklamo niya sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Aniya, sinunod lamang niya ang tagubilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na isumbong ang mga matiwaling gawain sa gobyerno.