
Cauayan City – Upang maisulong ang adbokasiya para sa kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran, ipinasa ng Isabela State University (ISU) Cauayan City Campus ang isang resolusyon na nagtatakda ng total ban sa paggamit ng single-use plastics sa loob ng unibersidad.
Batay sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs), partikular sa Goal 12 at Goal 14, layunin ng resolusyon na mabawasan ang polusyon, maprotektahan ang kalikasan, at itaguyod ang responsableng paggamit ng likas na yaman.
Saklaw ng pagbabawal ang lahat ng disposable plastic items gaya ng plastic bags, straw, kubyertos, cups, bote, at iba pang katulad na gamit. Sa halip, hinihikayat ang paggamit ng mga eco-friendly na alternatibo gaya ng reusable bags, containers, utensils, at tumblers.
Kasama sa implementasyon ang information at education campaign ng NSTP implementers, regulasyon sa mga vendors upang magbigay ng alternatibong produkto, at mahigpit na monitoring mula sa environmental committee ng unibersidad.
Ayon kay Associate Professor Narsal M. Foronda, Jr., ang mga lalabag ay papatawan ng babala, multa, o posibleng kanselasyon ng permit para sa mga patuloy na susuway.
Panuorin ang kanyang naging pahayag: CLICK HERE!
Ayon pa sa opisyal, mahalaga ang resolusyong ito upang mahubog ang disiplina at kamalayan ng mga estudyante, guro, at kawani tungo sa pagiging huwaran ng pamayanang maka-kalikasan.









