ISU Santiago City Campus, Planong Ipatayo sa Lungsod ng Santiago!

Santiago City- Plano ng lokal na pamahalaan ng Santiago na magpatayo ng Isabela State University Santiago City Campus sa lungsod.

Ito ang ibinahaging pananalita ni mayor Joseph S. Tan sa kanyang isinagawang State of the City Address sa bulwagan ng Santiago City hall na dinaluhan naman ng maraming mga panauhin.

Aniya ay naglaan na umano ang pamahalaang lokal ng Santiago ng dalawang ektarya ng lupa na papatayuan ng naturang paaralan sa barangay Rizal dito sa lungsod.


Inihayag din nito na sa ngayon ay hinihintay na lamang nila ang pondong manggagaling sa national at kung hindi man ito makakarating ay handa umano ang pamahalaang lokal ng Santiago na pondohan ang pagpapatayo rito.

Positibo naman ang alkalde na maisasakatuparan ang lahat ng kanilang mga layunin lalo na at isa sa tinututukang programa nito ay ang pagsulong sa mataas na kalidad ng edukasyon.

Nagapasalamat naman ito sa lahat ng mga Santiagueño dahil sa tulong at suporta ng mga ito upang maisakatuparan ang mga proyekto at serbisyo na para sa lahat.

Facebook Comments